-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Malaking tulong para sa mga Ivatan na biktima ng kambal na pagyanig ang tinanggap ni Governor Marilou Cayco na cash assistance mula sa Police Regional Office (PRO) II.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ni Cayco na mapupunta sa mga biktima sa bayan ng Itbayat ang P900,000 cash assistance na naipon ng PRO-2 sa isinagawang fun run nitong Setyembre.

Kasabay ng pasasalamat, naging emosyonal si Cayco sa pagkukuwento sa harap ng Philippine National Police (PNP) sa sinapit ng Itbayat sa lindol na ikinasawi ng siyam na katao at pagkasugat ng 68.

Kung maaalala, nasa 268 ang nawalan ng tirahan bukod pa sa mga nasirang imprastruktura.

Sa naturang halaga, sinabi ng gobernadora na malaking tulong ito para sa isinasagawang rehabilitasyon sa mga biktima lalo na sa kanilang mga nasirang bahay.