KALIBO, Aklan – Inireklamo ng pangmomolestiya ang isang lalaking guro sa Nabas, Aklan.
Batay sa salaysay ng ina ng biktima, ginawan umano ng kahalayan ng guro ang siyam na taong gulang na babaeng estudyante nang ito ay nasa Grade 2 at pitong taong gulang pa lamang sa loob mismo ng kanilang silid-aralan.
Ipinasok umano ng guro ang kanyang kamay sa palda ng bata at hinawakan ang maselang bahagi ng kanyang katawan.
Paulit-ulit umano itong ginawa sa bata sa loob ng isang taon at natigil lamang ng nalipat sa ibang paaralan sa lalawigan ng Antique ang guro.
Ayon pa sa ina na natakot ang kanyang anak na magsumbong agad at nagkaroon lamang ng lakas ng loob nang malamang maliban sa kanya ay may iba pang kamag-aral na minolestiya rin ng kanilang guro.
Balak ng pamilya na magsampa ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act laban sa guro.
Sinusubukan ngayon ng Bombo Radyo na makapanayam ang inirereklamong guro at Department of Education (DepEd)-Aklan.