LAOAG CITY – Nalunod ang isang apat na taong gulang na batang babae sa Brgy. 34, Isic-Isic sa bayan ng Vintar dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay P/Capt. Roi Manuel Ordonio, Hepe ng Vintar Municipal Police Station, sumama ang bata sa kanyang ama na kapwa residente ng Brgy. 34, Isic-Isic sa bayan ng Vintar sa nasabing ilog upang maglaba at maligo.
Gayunman, base aniya sa pakikipag-usap nila sa ama ng biktima, sa pagtawid pa lang niya sa ilog ay hindi niya napansin na sinusundan siya ng kanyang anak.
Paliwanag niya, sinubukang iligtas ng ama ng bata ang kanyang anak ngunit nahirapan ito dahil malabo ang tubig at malakas ang agos nito.
Pahirapan din aniya ang rescue operation ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office kung saan umabot ng halos isang oras bago nila natagpuan ang bangkay ng bata.
Sabi niya na hanggang tiyan ang lalim ng ilog at natagpuan ang bangkay ng bata sa ilalim ng poste ng tulay.
Kaugnay nito, sinabi ni P/Capt. Ordonio na labis ang pagsisisi ng ama ng bata na hindi niya pinayagan ang kanyang anak na magsimba para makasama niyang maglaba sa ilog.
Samantala, napag-alaman na naghiwalay naman ang mga magulang ng bata dahil sa personal na problema.