-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tigmak sa sariling dugo at wala nang buhay ang 11-anyos na batang lalaki matapos pagtatagain ng kanyang ama sa bayan ng Dingle, Iloilo.

Ang biktima ay kinilalang si alyas Toto habang ang kanyang ama naman ay si alyas Nonoy.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/CMSgt. Alejandro Loretizo, imbestigador ng Dingle Municipal Police Station, sinabi nito na inatake umano ng nervous breakdown ang ama dahilan upang pagsaksakin nito ang kanyang anak.

Ayon pa kay Loretizo, pinagtangkaan rin ng suspek na saksakin ang isa pa niyang anak ngunit masuwerte namang hindi ito tinamaan.

Ani Loretizo, sinaksak rin ng suspek ang kanyang sarili kung saan nasugatan ito sa kanyang tyan.

Dinala pa sa ospital si toto ngunit agad namang binawian ng buhay dahil sa malubhang sugat sa kanyang dibdib.

Sa ngayon, naka-hospital arrest pa si Nonoy at hinihintay ng mga pulis ang desisyon ng pamilya kung itutuloy ang pagsampa ng kaso laban sa suspek.