DAVAO CITY – Isinailalim sa psychological evaluation ang isang 14-anyos na batang lalaki na binastos ng isang 46-anyos na administrative assistant sa Southern Philippines Medical Center.
Sinabi ni PSSG Jaquilin Abu, hepe ng WCPD ng Bajada Police station, na ayon sa kanilang physical assessment sa biktima, nakaranas ito ng trauma o tila wala sa sarili.
Dagdag pa ni Abu, isinailalim na sa assessment ng mga social worker ang biktima at ngayon ay kasama na ang kanyang pamilya para sa agarang paggaling sa masamang nangyari sa kanya.
Ayon sa opisyal ng pulisya, pormal nang sinampahan kahapon , ang kasong paglabag sa section 15 ng Republic Act number 7610 o Other forms of child abuse ang suspek.
Inamin din ng suspek ang insidente, ngunit tila naguguluhan ito na sumagot kung bakit niya minomolestiya ang biktima.
Nabatid na mahigit 20 taon nang nagtatrabaho sa Southern Philippines medical center ang suspek.
Matatandaang mabilis na nagsumbong ang biktima sa kanyang kapatid matapos ang insidente, dahilan kung bakit agad nahuli ang suspek. Nabatid na out-patient sa SPMC ang biktima at tinulungan ito ng suspek.