CAUAYAN CITY – Isang bata na mula sa Cauayan City at nagpositibo sa Antigen Test ang binawian ng buhay sa isang pagamutan sa lunsod ng Santiago.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Cauayan City Health Officer Bernadynn Reyes na nagtungo sa kanilang tanggapan ang ilang tao upang humingi ng tulong at payo kung paano at ano ang gagawin nila sa kapamilya nilang namatay sa isang pagamutan.
Sa salaysay ng kapamilya, maysakit sa puso ang bata at nang nagkasakit ay itinakbo nila sa pagamutan ngunit binawian ng buhay at lumabas na positibo sa COVID-19.
Sinabi ni Dr. Reyes na dalawa lang ang maaring gawin ng mga kaanak ng bata; una ay ipa-cremate upang maiburol sa kanilang barangay o ideretso na sa sementeryo ng isang funeral home.
Paliwanag niya sa mga kamag-anak ng namatay na makakasuhan ang kanilang barangay kapitan kung ipipilit na iburol ang bata at maging ang funeral home na magsasagawa ng pag-embalsamo.
Ayon kay Dr. Reyes, agad namang inilibing ang bata sa San Francisco Cemetery at limang taon ang aabutin bago pwedeng ilipat sa ibang sementeryo lalo na at isa sa maituturing na cause of death nito ay Communicable disease.