KORONADAL CITY – Tuluyan nang binawian ng buhay ang 12-anyos na batang lalaki na na-comatose at ini-refer sa Southern Philippine Medical Center (SPMC) sa lungsod ng Davao.
Ito ang kinumpirma ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng bayan ng Surallah, South Cotabato na si Leonardo Ballon sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Ballon, hindi na nailigtas ng mga doktor si Randave Ayupan dahil sa malubhang kondisyon nito.
Emosyonal namang ibinahagi ni Danica Ayupan, kapatid ni Randave, ang ginagawang pakikipaglaban sa kamatayan ng kanyang nakababatang kapatid.
Ayon kay Danica, alas-12:50 ng Lunes ng madaling araw nang binawian ng buhay ang kanyang kapatid.
Ipinaliwanag umano ng mga doktor na kumalat na ang dugo sa utak ni Randave at hindi na kaya pang isailalim sa operasyon ang biktima.
Kaugnay nito, umakyat na sa 21 ang nasawi sa nangyaring madugong aksidente sa daan sa Barangay Lamsalome, Tboli, South Cotabato noong Setyembre 17.
Matatandaang una nang namatay ang ama, ina at kapatid ni Randave.