-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Hindi pinapayagan ng batas ang panghuhuli ng mga mailap at mapanganib na hayop tulad ng ginawa ng batang taga-San Isidro Tampakan, South Cotabato na nanghuhuli ng king cobra.

Ito ang pahayag ni John Rey Binibini, Wildlife Enforcement Officer ng Municipal Environment and Natural Resources (MENRO) Tampakan.

Paliwanag nito na noong nakaraang araw ay nakita nila ang video na ipinost ni Gina Alquizar, kapitbahay ng bata na nagpangalang Kevin Conde at saka sila nag-imbestiga.

Kahapon aniya ay tumawag din at humingi ng tulong ang isang Barangay Kagawad ng naturang lugar para kunin ang cobra na kustodiya ng pamilya Conde dahil maraming bata sa lugar.

Sa pahintulot ng kanilang pinuno, pumunta sila sa lugar kasama ang ilang Barangay Officials at kinumpiska ang isang Philippine Cobra.

Ngayong araw ay nakatakdang pakawalan ang nasabing ahas dahil may go signal na ng mga taga-Provincial Environment and Natural Resources Office.

Nagbabala rin ito sa publiko na huwag mag-iingat ng mga hayop na malapit nang maubos o mapanganib na mga hayop na mapanganib kung sila ay kumagat.

Samantala sa panig naman ni Kevin Conde ang bata na nakahuli ng cobra, plano pa nitong bawiin ang cobra na nakumpiska ng mga taga-MENRO kahit naiulat na nakagat siya nito.

Napag-alaman din na hindi ito ang unang pagkakataon na nanghuli si Kevin ng King cobra.