-- Advertisements --

LAOAG CITY – Dismayado ang Philippine National Police (PNP) matapos madiskubre na hindi totoong paputok ang ikinasugat ng mukha partikular sa mata ng isang Grade 5 pupil sa Barangay 55-Salet, Laoag City noong bisperas ng bagong taon.

Ayon kay Lt. Col. Amador Quiocho, ang chief of police sa lungsod ng Laoag, natuklasan nila na hindi baby rocket ang tumama sa mukha ng biktima na si Mark Deamson Labao, residente sa nasabing barangay.

Sinabi ni Quiocho na sa kanilang imbestigasyon, nalaman nila na habang nagluluto ang pamilya Labao ng barbeque ay tumalsik umano ang ginagamit nilang uling at tumama sa mukha ng bata.

Dahil dito, itinakbo ang bata sa Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital (GRASMH) sa lungsod at pinalabas ng ama nito na biktima ito ng baby rocket.

Hindi na rin sinabi ng opisyal kung ano ang sinabing dahilan ng mga magulang ng bata kung bakit sinabi ng ama na baby rocket ang tumama sa kanilang anak.