-- Advertisements --

Aprubado na ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Batangas, ngayong araw, ika-12 ng Agosto 2024, ang mosyon para sa deklarasyon ng pagsasailalim sa buong probinsya ng Batangas sa state of calamity dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).


Batay sa naging rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDDRMC), kinatigan ito ng mga lokal na opisyal.

Sa ilalim ng pamumuno ni Batangas Governor Hermilando Mandanas bilang chairperson, naisulong ang panukala, makaraang dumami pa ang mga baboy na naitalang positibo sa ASF.

Sa Lobo, Batangas pa lang, nasa 12,000 baboy na ang namatay dahil sa sakit na may katumbas na halagang P103 million.

Habang opisyal itong pinagtibay ng mga miyembro ng SP, sa pangunguna ni Vice Governor Mark Leviste bilang presiding officer.

Ginawa ang pag-apruba sa idinaos na 33rd Regular Session sa Salvador H. Laurel Hall, Apolinario Mabini Legislative Building, Capitol Site, Batangas City ngayong Lunes.

Layunin ng hakbang na magamit ang calamity fund sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong sektor.