Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Batangas matapos ang malawakang pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa probinsiya.
Sa isang statement, sinabi ng Batangas Provincial Information Office (PIO) na ipinasa ng Provincial Council na pinangunahan ni Vice Governor Mark Leviste sa pamamagitan ng isinagawang Special session kahapon ang Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 1565 para sa deklarasyon ng state of calamity sa lalawigan.
Ito ay base na rin sa isinagawang assessment at rekomendasyon ng Batangas Provincial Disater Risk Reduction and Management Council mula sa lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo sa buong probinsiya.
Una rito, nag-iwan ang bagyo ng 47 kataong nasawi sa lalawigan pa lamang ng Batangas.
Maliban sa baha, nakapagtala din ng mga insidente ng landslide sa iba’t ibang lugar sa probinsiya kabilang na sa may Sitio Purok B sa Barangay Sampaloc, Talisay, Batangas, kung saan 18 katao na ang kumpirmadong namatay na karamihan ay mga menor de edad matapos matabunan ng mga gumuhong lupa.
Gayundin sa bayan ng Agoncillo, Batangas, may 9 na bangkay ang narekober habang 6 pa ang nawawala.
Nag-iwan din ng makapal na putik sa mga kalsada sa ilang lugar sa probinsiya na nalubog sa baha sa ilang araw na pag-ulan sa kasagsagan ng bagyo.
Samantala, nasa 5,000 pamilya o 17,700 indibidwal naman ang nananatili sa mga evacuation center sa probinsiya.