-- Advertisements --

Kinumpirma ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na may isa na ring residente mula sa kanyang lalawigan ang nag-positibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Sa inilabas na statement, sinabi ni Mandanas na ipinaabot sa kanya ng kanilang provincial health officer na si Dr. Rose Ozaeta ang ulat hinggil sa kaso.

Tiniyak ng gobernador ang kahandaan ng lalawigan sa COVID-19, gaya ng naging hakbang nila noong pumutok ang bulkang Taal at infection sa kanilang mga baboy ng African Swine fever.

“Kahit mayroon nang isang confirmed case ng COVID-19 sa Batangas City, na ipinaalam sa akin ng ating Provincial Health Officer, Dra. Rose Ozaeta, kagabi lamang… tayo sa Batangas ay handa ay kakayaning harapin ang sakunang ito, kapares na rin ng ating ginagawang pangangalaga dahil naman sa pagputok ng Taal Volcano at pagsisimula ng ASF sa bayan ng Laurel.”

Handa rin umano ang lalawigan ng Batangas na magpaabot ng tulong sa Metro Manila para sa supply ng pagkain.

“Tayo pa rin ang inaasahang magsupply ng tilapa, manok, baboy, baka at iba pang pagkaing pang araw-araw, hindi lamang ng Metro Manila kundi iba pang bahagi ng Pilipinas. 60% ng gasolina, diesel, kerosene, aviation gas, bunker ay dumadaloy mula sa Batangas para sa buong bansa.”

“Kaya nating bigyan ng kuryente ang buong Metro Manila o kalahati ng buong Luzon.”

Sinuspinde muna ni Mandanas ang pasok sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa buong Batangas simula ngayong araw hanggang March 31.

“Subalit hindi maaaring itigil ang paglilingkod ng mga nasa Pamahalaan, kaya susundin ang mga pag-uutos ng Pangulo, at iba pang pambansang kagawaran, lalo na ang Civil Service.

Batay sa datos ng Department of Health, dalawa pa mula sa 52 positive cases ng COVID-19 sa Pilipinas ang vine-verify pa ang lugar na kanilang tinitirhan.

Sila ay sina PH 49 at PH52 na parehong naka-admit sa Asian Hospital and Medical Center sa Muntinlupa City.