MANILA – Naramdaman din sa ibang bahagi ng Batangas ang magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa bayan ng Calatagan nitong umaga.
Ayon kay Agoncillo, Batangas Mayor Danielle Reyes, malakas na pagyanig ang kanilang naramdaman sa buong bayan.
Wala naman daw naitalang damage sa mga kabahayan, at walang naitalang injury o nasaktan dahil sa linggo.
“No damaged houses, no one was injured but it’s quite frightening,” ani Reyes.
Ganito rin umano ang sitwasyon sa bayan ng Mabini. Ayon kay Mayor Noel Luistro, bagamat naramdaman din nila ang malakas na lindol ay walang naitalang casualty at pinsala.
Aminado naman si Lemery Mayor Larry Alilio na hindi nasunod ang physical distancing ng ilan sa kanyang mga kababayan na nag-panic nang maramdaman ang pagyanig.
Magugunitang isa ang naturang bayan, kasama ang Agoncillo, sa mga tinakpan ng abo ng bulkang Taal nang mag-alburuto noong Enero.
“Ang naramdaman lang po ay medyo nag panic ‘yung mga tao dahil kakatapos nga lang ng bulkang Taal, Yun ang binabantayan ngayon,” ani Alilio sa interview ng DZMM Teleradyo.
Sinabi ni Batangas Disaster Risk Reduction and Management Chief Lito Castro, sa ngayon ay wala pang nakakarating na ulat sa kanila tungkol sa danyos at casualty na idinulot ng malakas na lindol.
“No damages, no injury, no untoward incident.”
Pero sa bayan ng Lubang, Occidental Mindoro, ipinakita ni Mayor Mike Orayani ang ilang kabahayan na nagkabitak-bitak at gumuho matapos yanigin ng magnitude-6.3 earthquake.