-- Advertisements --

Nagsasagawa na ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas ng pre-emptive at forced evacuation sa mga lugar na may mataas na tiyansa na makaranas ng matinding panganib dahil sa posibleng epekto ng Super Typhoon Pepito.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) head Dr. Amor Banuelos Calayan, lahat ng naninirahan sa mabababang lugar lalo na ang nasa palibot ng Taal Lake ay inabisuhan ng lumikas sa lalong madaling panahon.

Ibinabala din ng ahensiya na maaaring mag-generate ng lahar ang mabibigat na pag-ulan at muddy stream flows sa mga ilog at drainage areas sa Bulkang Taal base na rin sa PHIVOLCS.

Maaaring maulit ang muddy o maputik at debris flows sa dati ng naapektuhang komunidad sa mga bayan ng Agoncillo, Laurel at Talisay.

Samantala, nag-isyu na si Governor Hermilando Mandanas ng Memorandum 06 na nag-aatas sa patuloy na pagpapatupad ng Heightened Alert Emergency Preparedness and Response sa buong lalawigan.

Sa ilalim nito, ipinag-uutos ang pre-emptive o forced evacuation sa mga komunidad, pakilusin ang rapid deployment teams at siguruhin ang kahandaan ng mga response facilities.

Base sa ulat mula sa state weather bureau kaninang 11:30 a.m., ang probinsiya nga ng Batangas ay isa sa mga lugar na itinaas sa tropical cyclone wind signal no. 1.