Naghahanda na ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa posibleng paglikas sa mga residenteng naninirahan sa palibot ng Bulkang Taal.
Kung maaalala, itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 2 ang Taal Volcano matapos makitaan ng dumaraming abnormalidad.
Ayon kay Batangas PDRRMO head Lito Castro, sa ngayon tanging sa volcano island pa lamang ang may nakataas na banta.
Paglalahad pa ni Castro, may ilang mga bayan na rin ang pinagbawalan ang kanilang mga residente na pumalaot sa Taal Lake.
Sa ilang lugar din aniya, binawasan pa ang window hours kung kailan maaaring magtungo ang mga mangingisda.
Naka-monitor na rin daw sa lugar ang mga personnel mula sa PNP, Coast Guard, at mga lokal na gobyerno ng mga apektadong area.
Sa pinakahuling bulletin, sinabi ng Phivolcs na nakapagtala na sila ng 28 volcanic tremor episodes, apat na mahihinang volcanic earthquakes, at isang hybrid earthquake sa ilalim ng Taal Volcano Island sa nakalipas na 24 oras.