-- Advertisements --

Dinagsa ng mga manlalakbay ang daungan ng Batangas at tiniis ang mahabang pila habang papalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Inireklamo ng mga pasahero ang mahabang pila sa pasukan ng daungan at mga ticketing booth, gayundin ang limitadong bilang ng mga magagamit na barko.

Ito ay ilan lamang sa mga dahilan na idinadaing ng mga pasahero sa nasabing pantalan.

Ang ilan sa mga pasahero ay pinili lamang na maghintay ng ilang oras o di kaya ay magpalipas ng gabi sa pantalan para lamang makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Matatandaan na sinabi ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago na pinayuhan nila ang mga pasahero na bumili ng maaga ng mga ticket dahil sa inaasahang mahabang pila at kakulangan na rin ticket.

Hinimok ni Santiago ang mga shipping lines na lumipat sa online ticketing system upang maiwasan ang mahabang pila.

Binuksan na ang Phase 2 ng 4,000-passenger terminal sa Batangas port, na nagdala sa kabuuang kapasidad ng passenger terminal nito sa 8,000 na kung saan itinuturing na pinakamalaki sa Pilipinas.