BUTUAN CITY – Hindi sukat akalain ng isang illegal recruiter mula Batangas na ang kanyang pagdayo sa Butuan City ay magiging daan upang maputol na ang kanyang pang-i-scam ng malaking pera kapalit sa pangakong magtatrabaho sa Canada.
Ito’y matapos ang matagumpay na entrapment operation na inilunsad ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI-Caraga nang dumulog sa kanilang tanggapan ang naloko nitong si Jeffrey Maxino, may asawa, isang tricycle driver at residente ng Brgy. Bading nitong lungsod.
Nahuli kahapon ng alas-kwatro ng hapon si Melight Esguerra, taga-Batangas, sa isang coffee shop.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Maxino na simulo noong mag-offer ng trabaho sa Canada ang suspetsado nitong Agusto, umabot na sa P750,000.00 ang nakuha nitong pera na gagamitin umano sa pagproseso ng kanyang mga papeles kasama na ang plane ticket.
Ginawa ang entrapment operation matapos humingi ng panghuling P100,000.00 ang suspetsado na hindi na pinalampas pa ng biktima lalo na’t kanya nang naibenta ang kanilang lupa at de-pasaherong traysikol.