-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Education (DepEd) na sa ngayon ay mananatili pa rin sa Agosto 24 ang pagsisimula ng nalalapit na school year.

Sa kabila ito ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang batas na magbibigay-kapangyarihan sa kanya na iurong ang petsa ng pasukan sa mga paaralan sa buong bansa.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, hindi naman daw umaalma ang kagawaran sa pagpirma ng Pangulong Duterte sa nasabing batas.

Pero magkakaroon din aniya sila ng pag-uusap ni Pangulong Duterte sa kung ililipat pa ang petsa ng school opening.

Nakatakda namang maglabas ng implementing rules and regulations ang ahensya sa lalong madaling panahon, sang-ayon sa iminamandato ng batas.

“We thank the President for signing Republic Act 11480 amending RA 7797 mandating the Secretary of Education to recommend to the chief executive adjustments in the school calendar in ‘times on national emergency’.

“We are also grateful to our Senators and members of the House of Representatives for the quick and timely passage of the law.

“The Department has been consulted and has conferrred with the President and the legislators throughout the process and we will issue corresponding implementing rules and regulations soonest as required by the law,” saad sa pahayag ni Briones.

Batay sa bagong batas, papayagan si Pangulong Duterte, batay sa rekomendasyon ng kalihim ng DepEd, na magtakda ng ibang petsa kung may deklarasyon ng state of emergency o state of calamity.

Saklaw nito ang lahat ng basic education schools kasama ang foreign and international schools.

Pinapayagan din ang Saturday classes sa elementary at secondary levels sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Kung maaalala, makailang ulit nang nanindigan ang DepEd na idaos pa rin sa Agosto ang pagsisimula ng klase sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan.

Sa kabila na rin ito ng kabi-kabilang pagtutol mula sa ilang mga grupo na duda kung magiging epektibo pa ang ipatutupad ng DepEd na distance learning o paggamit ng ibang mga paraan sa pagtuturo gaya ng online.

Ngunit ayon sa kagawaran, hindi lamang online ang maaaring gamiting mode of learning ng mga estudyante.