Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na suportahan at ipasa ang binubuong panukalang batas para magamit ng mga land reform beneficiaries ang titulo ng lupa bilang mortgage o pangsanla sa bangko lalo sa Land Bank of the Philippines.
Sinabi ni Pangulong Duterte, layunin nitong mabigyang kakayahan ang mga magsasakang beneficiaries ng land reform para mapaunlad ang lupang natanggap.
Ayon kay Pangulong Duterte, umaasa siyang gagawin din talaga ng Landbank ang kanilang mandato bilang bangko para tulungan ang mga magsasaka at hindi makipagsabayan sa mga commercial banks.
Kasabay nito, muling kinalampag ni Pangulong Duterte ang Department of Agrarian Reform (DAR) na ipamahagi sa mga farmer-beneficiaries sa lalong madaling panahon ang lahat ng mga lupaing sakop ng land reform program.
Target ng Duterte administration na ipamahagi sa mga magsasaka ang mahigit 500,000 ektarya ng lupang sakahan lalo ang mga nasa Central Luzon, Negros at Mindanao.
“Ngayon ito, we are crafting a law that would allow you to use to mortgage your title, your land, to borrow money to improve the land. And for the many of you who are really not so keen about farming but want the easy life, you go to the bank, mortgage it and if you have about 50,000, you go and buy shabu,” ani Pangulong Duterte. “By giving them actual possession of these titles, we are empowering our farmers and improving their capability for self-reliance and greater productivity.”