Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para gawing permanente na ang pagbibigay ng discount sa pamasahe ng mga estudyanteng sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.
Batay sa Republic Act. No. 11314, magiging mandatory na ang pagbibigay ng 20 porsyento sa estudyante basta makapagprisinta ng school ID o enrollment form na suportado ng government-issued identification document.
Nakapaloob sa batas na sasakupin nito ang lahat ng pampublikong transportasyon gaya ng bus, dyip, taxi, tricycle, tren, eroplano at iba pa.
Hindi naman kasama ang mga school service, shuttle service, tourist services at iba pang may kaparehong kontrata sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sakaling tanggihan ng discount ang isang estudyante, maaari siyang maghain ng reklamo sa LTFRB, Maritime Industry Authority (MARINA), Civil Aeronautics Board at legal service ng Department of Transportation (DOTr).
Sa mga tricycle drivers, maaaring masuspinde ang kanilang lisensya at pagbayarin din ng hanggang P1,000 kada paglabag.
Sa mga public transportation utilities, P5,000 hanggang P15,000 ang multa hanggang kanselasyon ng certitificate of public convenience ang maaaring kaharapin.
Sa water public transportation, maaaring umabot hanggang P20,000 ang fine sa paglabag habang sa air public transportation naman, papalo hanggang P150,000 ang multa.
Nakapaloob din sa batas na pananagutin ang paggamit ng pekeng school ID o dokumento para lamang makakuha ng discount.
Inatasan naman ng batas ang DOTr at ibang attached agencies na magsawa ng implementing rules and regulations (IRR).