-- Advertisements --

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nag-aatas sa bawat lungsod at munisipalidad na magkaroon ng community-based monitoring system (CBMS).

Batay sa Republic Act No. 11315, tinukoy ang CBMS bilang isang organisadong sistema ng pangongolekta at pagproseso ng mga datos kaugnay sa komunidad.

Kasama sa CBMS ang geo-tagging o ang mapa ng mga lugar at maging census o profiling ng mga residente.

Alinsunod sa batas, makakatulong ito sa pagtukoy agad ng mga posibleng benepisaryo ng mga programa ng gobyerno na nakatutok sa mga mahihihrap.

Iniuutos din na dapat kada tatlong taon ay ia-update ang mga datos at sa proseso ng data collection, makakatanggap ng financial at technical support ang local government units mula sa national government agencies.

Tinitiyak naman ng batas na mapoprotektahan ang datos at ang right of privacy ng mga indibidwal.

Samantala, itatatag ang CBMS Council na siyang mangunguna sa pagpapatupad ng sistema na pangungunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA), katuwang ang Department of Interior and Local Government at Department of Information and Communications Technology.

Pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Abril 17, 2019 ang batas at inatasan naman ang PSA na siyang bubuo ng implementing rules and regulations nito 90 araw matapos itong magiging epektibo.