-- Advertisements --
DUTERTE DU30
Pres. Duterte

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na layong magtatag ng programa para maaga pa lamang ay malaman na kung may problema sa mata ang mga bata.

Batay sa Republic Act. No. 11358, magkakaroon ng national vision screening program (NVSP) ang Department of Education (DepEd) para sa mga mag-aaral sa Kindergarten.

Pangangasiwaan ang NVSP ng mga trained teachers at health personnel para matugunan at mai-refer agad sa eye care practitioners ang mga matutukoy na batang may problema sa mata.

Bahagi rin ng programa ang pagbibigay ng vision screening kit sa mga mag-aaral.

Magiging katuwang naman ng Department of Education ang Department of Health (DOH) at ang Philippine Eye Research Institute (PERI) na siyang magsasawa ng pag-aaral sa visual impairment sa mga bata at mapopondohan mula sa bubuuing vision screening continuing research fund.

Ang mga pribadong paaralan naman ay hinihikayat ng batas na magkaroon ng sarili nilang sistema ng vision screening na alinsunod pa rin sa NVSP.

Ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay inatasan rin ng batas na bumuo ng isang package para sa konsultasyon at pagpapagaling ng sakit sa mata ng mga bata.

Kahapon pinirmahan ni Pangulong Duterte ang naturang batas at bubuo ang DepEd, DOH at PERI ng implementing rules and regulations (IRRI) sa loob ng 90 araw matapos mailathala sa mga pangunahing pahayagan ang batas.