-- Advertisements --

Nagtakda na ang pamahalaan ng fixed validity period para sa license to own and possess firearms, registration at permit to carry firearms outside of residence or place of business.

Sa inaprubahang Republic Act 11766 ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang May 6, 2022 at ngayon lamang inilabas, dalawang taon na ang pagiging valid ng permit mula sa dating kada isang taon, para makapagdala ng baril sa labas ng bahay o sa lugar ng negosyo.

Para naman sa lahat ng lisensiya para makapagmay-ari ng baril o license to own and posses a firearm, kahit anupamang klase ito o classification ay iri-renew na ito kada lima o 10 taon, opsyon ng licensee, mula sa dating kada dalawang taon habang ang registration naman ng baril ay mari-renew na ng kada lima o 10 taon din mula sa apat na taon.

Kapag nabigong mai-renew ang registration ng baril bago ang petsa ng expiration nito ay maaaring ma-revoke ang lisensiya ng baril, kukumpiskahin ang armas matapos ang due process.

Sa ilalim ng batas, ang kabiguan na ma-renew ang lisensiya o registration ng baril sa loob ng panahong itinakda sa dalawang pagkakataon ay magiging dahilan para sa perpetual disqualification ng holder ng baril na makapag-aplay muli para sa anupamang lisensiya ng baril sa hinaharap.

Ang application for renewal ng lisensiya at registration ay isusumite sa FEO ng PNP sa loob ng anim na buwan bago ang petsa ng expiration ng mga ito.