-- Advertisements --

Papalo hanggang P100,000 ang maaaring maidagdag sa kasalukuyang cash incentives na natatanggap ng mga atletang nananalo sa international events.

Ito ay kung ganap na maisasabatas ang amyenda sa Republic Act 10699 or the National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Ayon kay Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, ang pag-champion ng Pilipinas sa 30th SEA Games na may halos 400 medalya, kung saan 149 dito ang ginto, ay nagtulak sa kanila para bigyan ng higit na biyaya ang mga manlalarong nagbibigay ng karangalan sa bansa.

“With such a stellar performance, it is only fitting that our national athletes and their coaches receive higher incentives from the government as they go on to compete in other international competitions,” wika ni Angara.

Kapag naisabatas ang Senate Bill 1225, ang mga nananalo ng gold medal sa SEA Games ay makakatanggap na ng P400,000 mula sa kasalukuyang P300,000; ang may silver medal naman ay bibigyan ng P200,000 mula sa kasalukuyang P150,000 lamang, habang ang mga bronze medalist ay pagkakalooban na ng P100,000, mula sa dating P60,000 lamang.