Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na kanilang ipapatupad ang batas sa mga politikong mapabilang sa narco list.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Bernard Banac, sa sandaling isapubliko ang narco list ay magsasagawa muna sila ng malalimang validation at kung mapatunayang sangkot ang mga ito sa iligal na droga ay kanila itong kakasuhan at aarestuhin.
Giit ni Banac na tutulong ang PNP sa paghahain ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Una nang sinabi ng PNP na pabor sila na ilabas ang narco list pero kailangan muna ito isailalim sa validation dahil unfair ito para sa mga matitinong politiko.
Hindi naman pabor ang Commission on Elections na ilabas ang narco list dahil magdudulot anila ito ng negative campaigning.
Maging si Philippine Drug Enforcement Agency director Gen. Aaron Aquino ay tutol na ilabas ang narco list dahil hindi pa tapos ang kanilang validation.
Binigyang-diin naman ni Banac na ang narco list ay hindi nakabatay sa sabi-sabi lamang lalo na kung may sapat na ebidensiya.