Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na layong magpatupad ng plano para makatipid sa paggamit ng koryente ang bansa.
Batay sa Republic Act No. RA 11285 o ang Energy Efficiency and Conservation Act, magpapatupad ng National Energy Efficiency and Conservation Plan na maglalaman ng mga target ng gobyerno, feasibility strategies at maging sistema para sa regular monitoring at evaluation ng paggamit ng koryente ng bansa.
Layunin din ng batas na isulong ang paggamit ng renewable energy technologies para hindi agad nauubos ang pinagkukuhanan ng koryente.
Magtatatag rin ng Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee na siyang titingin at mag-aapruba ng proyekto ng gobyerno na layunin makapagtipid ng koryente ang bansa.
Trabaho ng komite na tutukan ang konsumo sa enerhiya ng mga gusaling pagmamay-ari ng estado o nili-lease ng gobyerno at ang pagsusulong ng energy cost reduction plans para rito.
Nakapaloob din sa batas na para sa mga bagong itatayong commercial buildings, kailangan na nilang sumunod sa requirements sa ilalim Energy Conserving Design on Buildings na ilalabas ng Department of Energy (DOE) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Maliban dito, minamandato rin ng batas ang paglalagay ng Department of Energy ng mga label sa mga produkto, gadgets at equipment na malakas ang konsumo ng koryente para magabayan ng husto ang mga mamimili.
Inatasan naman ang DOE na siyang magsagawa ng implementing rules and regulations (IRR) matapos maging epektibo ang batas 15 araw kasunod ng official publication.