Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang panukalang batas na nagbibigay otoridad sa Monetary Board na magtatag ng Islamic banks, o mga bangko para sa mga mga Muslim.
Batay sa ilalim ng Republic Act 11439, nakasaad na mahalaga ang Islamic banking at finance para magbukas ng mga oportunidad para sa mga Muslim at magkaroon sila ng access sa iba’t ibang financial arrangements gaya ng posibleng pagkuhanan ng pondo sa mga negosyo at iba pa.
Sa nasabing batas, maaaring payagan ng Monetary Board ang ilang conventional at maging foreign Islamic banks na makipagtransaksyon sa mga bubuuing Islamic banks.
Pero sa kabuuan, ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) pa rin ang siyang may supebisyon sa Islamic banks at isasailalim ito sa mga regulation at proseso ng pagbubuwis ng katulad ng isang karaniwang bangko.
Magkakaroon naman ng Shariah Advisory Council na siyang magtitiyak na sumusunod ang mga Islamic banks sa Shariah o ang Practical Divine Law na itinuturo at sinusunod ng mga Muslim.
Gaya ng normal na mga bangko, maaaring magbukas ng current, savings at investment accounts, tumatanggap ng foreign currency deposits, remittances at iba pa ang nga Islamic banks.
Pinapayagan naman ng batas ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) na mag-abot ng financial assistance sa isang Islamic bank sakali mang makita ng Monetary Board na nanganganib itong magsara.