Maaari nang gamitin ng mga transgender sa North Carolina ang kahit anong pampublikong banyo o palikuran na kanilang nais sa mga state-run buildings matapos aprubahan ng U.S court ang “bathroom bill”.
Ang pag-apruba sa naturang panukalang batas ay nagsilbing katapusan sa halos tatlong taon na pakikipaglaban ng mga transgender sa North Carolina hinggil sa kanilang karapatan na gamitin ang kahit anong banyo base sa kanilang gender identity.
Ito ay matapos pairalin ang 2016 North Carolina law o mas kilala rin bilang House Bill 2 kung saan nire-require ang mga transgender na mamamayan na gumamit lamang ng banyo, changing rooms at showers base sa kanilang gender identity na nakasaad sa kanilang birth certificates.
Isinulong ng American Civil Liberties Union ang hinaing ng mga transgender at upang huwag din itong tuluyan na harangin sa korte.
Ayon kay Irene Como, acting legal director ng ACLU of North Carolina, nilalabag umano ng 2016 North Carolina law ang rights to equal protection ng bawat mamamayan na nakapaloob sa ilalim ng U.S Constitution.
Aniya, patuloy na ilalaban ng kanilang grupo ang karapatan ng bawat isa habang mayroon pang mga miyembro ng LGBTQ community ang hindi pa rin nabibigyan ng basic protection mula sa karahasan at diskriminasyon dahil lamang sa kanilang kasarian.