-- Advertisements --

Tahasang tinawag ng Malacañang na iresponsable ang naging pahayag ni United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet.

Reaksyon ito ng Malacañang sa batikos ni Bachelet laban sa anti-drug policy ng pamahalaan at sa umano’y kawalan ng respeto sa rule of law kaya hindi raw dapat magsilbing modelo ng alinmang bansa ang Pilipinas.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, halatang nabigyan ng maling impormasyon ang UN High Commissioner for Human Rights mula sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sec. Panelo, malayong malayo sa katotohanan ang sinasabing umabot na sa 27,000 katao ang napapatay sa anti-drug war ng Duterte administration at mistulang nakalimutan na ang hustisyang ipinagkaloob ng gobyerno hindi lamang kay Kian de los Santos kundi maging kay Carl Arnaiz kung saan nahatulan at pinarusahan ang mga responsableng pulis.

Dapat aniya na ikaalarma ang ganitong mga pahayag mula sa UN na maaaring nagagamit na ng mga political interest groups.