Nagmimistula na umanong napupunta sa personalan ang batikusan at palitan ng akusasyon sa pagitan nina Justice Secretary Crispin Remulla at Congressman Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Remulla, tanging si Teves lang ang mismong makapagsasabi o makakapagpaliwanag kung anong klaseng tao ito.
Gayunman ay nababakas at nakikita naman anya ang nilalaman ng kaisipan ng mambabatas tulad ng kung paanong mag-isip para sa ating lipunan.
Ito ang naging reaksyon ni Remulla sa patutsada ni Teves sa video na inilabas sa social media na nagsabing gumagamit umano ng pulbos si Remulla kaya ganun ang pag-iisip at mainitin ang ulo ng kalihim, bagamat hindi idinetalye ni Teves kung ano iyung pulbos na kanyang sinabi.
Iginiit pa ni Remulla na kitang-kita rin na wala ng galang o hindi na nirerespeto ni Teves ang ating bansa, mga institusyon at mga otoridad.
Samantala binatikos naman ni Remulla ang hindi pinangalanang mga abogado na nagtatanggol sa mga ganitong uri ng tao sa kadahilanang marami itong pera.