-- Advertisements --

Handang harapin ni senatorial candidate Ronald “Bato” Dela Rosa ang imbestigasyon na ipinapanawagan ng Human Rights Watch (HRW) kaugnay ng kanyang naging papel sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

Sa isang panayam, sinabi ni Dela Rosa na hindi niya tatakbuhan anumang imbestigasyon na ikakasa laban sa kanya.

Nauna nang sinabi ni Carlos Conde, researcher sa HRW, na ang nagbabadyang pagpasok ni Dela Rosa sa Senado ay lalo lamang nagpapalakas sa mga panawagan na dapat magkaroon ng imbestigasyon sa mga krimen na may kaugnayan sa drug war.

Ayon sa HRW, maari pa ring maimbestigahan si Dela Rosa ng International Criminal Court dahil nangyari naman daw ang umano’y crimes against humanity sa ilalim ng kanyang termino bilang police chief, at noong miyembro pa ng korte ang Pilipinas.

Magugunita na Marso lamang nitong taon nang kumalas ang Manila sa Rome Statute.

Hindi naman na raw bago para kay Dela Rosa ang panawagan na ito ng HRW, at hinamon pa ang naturang grupo na magprisenta ng mga ebidensya laban sa kanya.