-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Tuluyan nang nakapaglagak ng piyansa si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo para sa mga kinakaharap na kaso.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Legazpi, nasa P8.7 million ang piyansa nito sa kasong double murder.

Aabot naman sa P720,000 para sa anim na counts ng attempted murder kung saan P120,000 ang piyansa para sa bawat count, na pawang sa pamamagitan ng surety o property bond.

Ang mga naturang kaso ay kaugnay ng pagpatay kay Party-list Cong. Rodel Batocabe at police escort nito noong Disyembre 2018 kung saan ang dating alkalde ang itinuturong mastermind.

Nitong Pebrero nang maglagak din ng halagang P3 million ang kampo ni Baldo para sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.

Hinihintay pa sa kasalukuyan ang release order sa pansamantalang paglaya ni Baldo na inaasahang ibababa sa sala ni Regional Trial Court Branch 6 Presiding Judge Elmer Lanuzo.

Una nang ibinaba ng Legazpi City Regional Trial Court Branch 10 ang kautusan na pinapayagang makalaya si Baldo noong nakaraang linggo.

Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Legazpi City Jail warden Atty. Rodolfo Versoza, handa naman umano silang tumalima sa anumang kautusan ng korte.