-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinapa-inhibit ng pamilya Batocabe ang hukom na kasalukuyang humahawak ng kaso sa pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Representative Rodel Batocab, laban kay dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.

Isinumite ng kampo ng mga Batocabe ang motion for inhibition kasabay ng motion for reconsideration na nilalayong mapigilan ang napipintong pansamantalang pagpapalaya kay Baldo kasunod ng pagpiyansa sa kasong double murder at multiple attempted murder.

Paliwanag ni Atty. Justin Batocabe, panganay na anak ng mambabatas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dalawang beses nang napagbigyan ni Presiding Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano sa Legazpi City Regional Trial Court Branch 10 ang petition to bail ni Baldo sa mga kaso kaya mas maigi nang ibang hukom na lamang ang magdesisyon para rito.

Dagdag pa ng nakababatang Batocabe na pinipigilan lamang ng mga ito ang posibleng “miscarriage” ng kaso.

Ikinalulungkot aniya ng pamilya ang takbo ng mga pangyayari lalo na’t wala pa sa trial proper ang kaso at aminadong nababagalan sa usad ng hustisya para sa ama.

Sa panig naman ng mga Baldo, hinihintay pa ng mga ito ang pormal na pagpirma ni Loquillano sa release order na on-leave nang magpiyansa ng mahigit P8 million noong nakaraang linggo ang dating alkalde.