LEGAZPI CITY – Makikipagpulong ngayong linggo ang ilang malalapit na kaibigan at kasamahan sa Kamara ng pinaslang na si Party-list Rep. Rodel Batocabe sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Pangunahing layunin nito ay para matukoy kung kanino napunta ang nasa P35 million na bahagi ng reward money na ipinamudmod sa mga testigo sa krimen.
Sinabi ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr., sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ilalatag ni PNP Chief Oscar Albayalde ang breakdown sa pinatunguhan ng pera.
Ayon kay Garbin, ilan kasi sa mga testigo ang nagrereklamo kung bakit hindi nabigyan o maliit na halaga lamang ang nakuha.
Nilinaw ni Garbin na nai-turnover na sa pulisya ang halaga kaya mas maigi na ang mga ito rin ang magpaliwanag sa aspeto ng paghahati-hati para sa mga mayroong mahalagang papel sa kaso.
Nabatid na pinagambagan ng Kamara, Office of the President at Provincial Government of Albay, ang kabuuang P50 milyong pabuya na inaasahang makakatulong sa mabilis na pagkakaresolba ng kaso ng pagpatay sa kongresista.