LEGAZPI CITY – Malaking dagok umano sa trabaho ng kapulisan para sa kaso ng pinaslang na mambabatas ang napipintong pansamantalang paglaya ni dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo matapos na makapaglagak ng piyansa.
Ayon kay Police Regional Office 5 Director B/Gen. Arnel Escobal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakakagulat ang nangyari sa kaso ni Party-list Congressman Rodel Batocabe sa kabila ng “airtight” evidence.
Kung babalikan, resulta ng imbestigasyon ng PNP-CIDG (Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group) at nilikhang task group ng Bicol-PNP ang karamihan sa mga ebidensyang iprinesenta sa korte.
Kabilang ang inconsistencies at kakulangan ng ebidensya, sa mga sinasabing dahilan ng Legazpi City Regional Trial Court Branch 10 sa pag-grant ng pagpiyansa ni Baldo.
Sakali namang makalabas si Baldo at may posibilidad na mag-apply para sa police security detail, sinabi ni Escobal na malabo itong mangyari lalo’t hindi batid kung magku-qualify ang dating alkalde.
Samantala, umaasa ang Bicol-PNP na kakatigan ng husgado ang inihaing motion for reconsideration ng prosekusyon upang mahadlangan ang pansamantalang paglaya ni Baldo.