Naglunsad ang Philippine Navy ng ‘Battle readiness’ drill gamit ang mga barko nito, sa gitna ng tumitinding tension sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa agawan ng teritoyo sa West Philippine Sea.
Ang naturang drill ay magtatagal ng apat na araw at kasalukuyang isinasagawa sa mga katubigang sakop ng Zambales, kasama ang Philippine Fleet (PF).
Ang naturang drill ay tinawag na Philippine Fleet Unilateral Exercises kung saan ginagamit dito ang mga pangunahing barko ng navy tulad ng mga guided missile frigate na BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna.
Ginagamit din dito ang mga aircraft ng Philippine Fleet tulad ng anti-submarine AW-159 helicopter at patrol plane Beechcraft TC-90.
Batay sa inilabas na opisyal na statement ng PF, ang simulation ngayong taon ay magpopukos sa malalimang naval warfare operations.
Susukatin din dito ang enteroperability sa pagitan ng mga warship ng Pilipinas, kasama ang mga sasakyang panghimpapawid.
Ayon naman kay Capt. Joselito de Guzman, ang acting commander ng Offshore Combat Force (OCF), pag-aaralan nila kahandaan at kapasidad ng mga offshore combat vessel tulad ng Jose Rizal class frigates at Del Pilar class patrol vessel.
Ang naturang simulation ay magkakaroon ng dalawang yugto: una ay ang planning, training discussion, at subject matter expert lectures; pangalawa ay ang actual combat scenario.
Ang probinsya ng Zambales, kung saan isinasagawa ang naturang drill, ay nakaharap sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, ang nagsisilbing traditional fishing ground ng mga Pilipinong mangingisda.