-- Advertisements --

Nabitin ng isang rebound si Russel Westbrook para muntik na naman  sana ang makasaysayang performance nang talunin ng Oklahoma City Thunder ang Memphis Grizzlies, 103-100.

Gayunman si Westbrook pa rin ang nagselyo ng kanilang panalo sa pamamagitan ng 3-pointer sa huling sandali ng laro.

Si Westbrook na una nang napantayan ang 41 triple-double ng NBA great na si Oscar Robertson ay nagtala kanina ng 45 points, 10 assists at nine rebounds.

Para naman sa coach ng koponan na si  Billy Donovan, masa mahalaga ngayon at prayoridad ang panalo ng team kaysa sa personal na adhikain.

Dahil naman sa panalo ng Thunder, tumibay pa ang hawak nila sa ika-anim na puwesto para lumamang ng 3 1/2 game kontra sa Grizzlies.

Sa panig ng Memphis si Marc Gasol ay nanguna sa 23 points at si Zach Randolph ay nagtapos sa 20 points at nine rebounds.

Sa ibang laro, sa banggaan ng top teams sa Eastern Conference, namayani pa rin ang defending champions na Cleveland Cavaliers laban sa Boston Celtics, 114-91.

Kaugnay nito muling umangat sa unang puwesto ang Cavs.

Kumamada si LeBron James ng 36 points, 10 rebounds at six assists para sa kanilang 51-27 record.

Habang ang Celtics ay bitbit naman  ang kartada na 50-28.

Nagdagdag naman si Kyrie Irving ng 19 points at five assists upang punan ang kawalan ng kanilang starting center na si Tristan Thompson dahil sa sprained right thumb.

Sa kampo ng Celtics si Isaiah Thomas ang namayagpag sa 26 points.