-- Advertisements --

LA UNION – Kinumpirma ni Municipal Agriculturist Rebecca Sabado na nananatiling ASF free ang Bauang, La Union.

Sinabi ni Sabado sa panayam ng Bombo Radyo La Union, na negatibo sa virus ang blood samples ng mga baboy na isinumite sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory sa Sta Barbara, Pangasinan base sa inilabas na clinical laboratory report.

Ayon kay Sabado, ang mga pinasuring blood samples ay mula sa mga alagang baboy sa Barangay Lower San Agustin, Bauang, La Union na sinasabing pinaggalingan ng mga baboy na nadiskubreng positibo ng ASF sa Barangay Cadaclan, San Fernando City.

Ibig sabihin nito, ayon kay Sabado na nanggaling din mismo sa syudad ang sakit na ASF ng mga baboy na ibinaon kamakailan sa Barangay Cadaclan.

Dahil dito, siniguro ni Mayor Menchie de Guzman na babalik na sa lalong madaling panahon ang pagtitinda ng karne ng baboy sa merkado, matapos nitong ipahinto noong Linggo dahil sa impormasyon na nanggaling sa kanyang bayan ang mga baboy na nag-positibo ng African Swine Fever sa lungsod ng San Fernando.