-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Idineklara na ng mga pulis at militar na ligtas na ngayon ang bayan ng Bauko sa Mountain Province pagkatapos ng ilang buwan mula ng mangyari ang engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pol. Capt. Joshua Mateo, hepe ng Bauko Municipal Police Station, sinabi niya na natapos na rin ang mopping-up operations ng militar at pulisya sa mga bundok sa ilang barangay ng bayan.

Isinagawa ang mopping-up operations para malinisan ang mga bundok kung saan tumakas ang mga rebelde mula sa itinanim ng mga itong improvised explosive device.

Aniya, nalinisan na rin ang water source ng mga residente sa Barangay Bagnen na pinaniniwalaang nakontamina bago pa ang engkwentro dahil sa mga kampo ng mga rebeldeng itinayo malapit sa kanilang water sources.

Dinagdag niya na may resolusyon na ang mga barangay ng Tapapan, Lagawa, Mabaay at Sadsadan na kumukondina at nagbabawal sa presensiya ng mga rebelde sa kani-kanilang mga lugar.

Maaalalang nasuspindi lahat ng mga farming at tourism activities sa Bauko dahil sa nangyaring engkwentro kung saan naging delikado sa mga ito ang mga bundok sa pagitan nila ng Tadian, Mountain Province at bahagi ng Buguias, Benguet dahil sa mga landmines na itinanim ng mga papatakas na rebelde.