-- Advertisements --

Pinapa-ipon na ng Supreme Court ang lahat ng dokumento na magbibigay-daan para mabayaran ang kompensasyon ng mga nagmamay-ari sa Hacienda Luisita, Inc.

Magugunita na ipinamahagi sa 6,296 farm workers beneficiaries ang nasa 4,715 hectares ng sugarcane plantation sa Tarlac.

Batay sa naging desisyon nito noong Hulyo 5, 2011, inatasan ng SC ang lahat ng HLI owners na direktang iturn-over ang lupa sa mga farm workers beneficiaries na tanging kompensasyon lang ang babayaran base sa 1989 land valuation ng naturang ari-arian.

Isinapinal ang 2011 ruling noong Abril 24, 2012 sa isang resolusyon na isinulat ni dating Associate Justice Presbitero J. Velasco Jr., na ngayon ay nagsisilbi na bilang gobernador ng Marinduque.

Sa naging 20 pahinang resolusyon na isinapubliko noong Abril 26, 2021 na isinulat naman ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, inatasan ng Korte Suprema ang Presidential Agrarian Reform Council (PARC), at Department of Agrarian Reform (DAR) na gumawa ng task force para kumpletuhin at ipunin ang lahat ng dokumento na kinakailangan upang i-validate ang homelot awards.

Nagbigay direktiba rin ang kataas-taasang hukuman sa DAR na alamin ang nararapat na kompensasyon para sa mga HLI owners sa oras na makumpleto na ang validation procedures.

Inutusan din nito ang Land Bank of the Philippines na i-release ang pera para sa kompensasyon alinsunod sa validation process ng DAR. Ang naturang pondo naman ay kukunin mula sa Agrarian Reform Fund ng ahensya.

Una nang iginiit ng HLI owners na hindi nila hawak ang orihinal na kopya ng transfer documents na ipinadala sa register of deeds o kahit sa mga farm worker beneficiaries. Ang mga dokumentong ito kasi ay kakailanganin para makumpleto ang validation process.

“Significantly, the completion of the DAR’s validation procedures is a pre-condition to the payment of just compensation. Thus, it is in HLI’s best interest to fully cooperate with the DAR which includes providing the necessary documents to the best of their ability. It is difficult to believe that HLI no longer possesses the originals/certified true copies of these documents,” saad ng SC.

“Certainly, as the transferor in the disposition of homelots, it must have retained copies of the documents evidencing those transfers,” dagdag nito.

Subalit batid umano ng SC ang hirap sa pagkakaroon ng mga nasabing records dahil lumipas na ang panahon kung kaya’t iniutos nito ang pagbuo ng task force na magre-retrieve sa lahat ng records.

Sa parehong resolusyon, ibinasura ng SC ang motion to reconsider para sa April 24, 2018 resolution na inihain ni Noel Mallari ng Alyansa ng mga Mangagawang Bukid ng Hacienda Luisita (Ambala) at Winsor Andaya ng HLI Supervisory Group.

“The Court cannot allow the parties to prolong these proceedings by filing motion after motion, only to perpetually deflect/delay [a legal] obligation,” pagbibigay-diin ng Korte Suprema.

Nagpaabot naman ng pakikiisa ang HLI owners na mga kaanak at kapamilya ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III para sa pagpapabilis ng proseso na ipamahagi ang 4,915 hectares ng lupa sa mga farm beneficiaries bilang pagsunod na rin sa kautusan ng SC.