-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Maayos umano ang lagay ng mga istruktura sa probinsya ng Cagayan batay sa naging resulta ng assessment at monitoring na isinagawa ng Task Force Lingkod Cagayan (TLFC) matapos ang naganap na lindol nitong nakalipas na araw.

Sa panayam kay Rueli Rapsing ng TLFC, agad silang nakipag-ugnayan sa mga Municipal Risk Reduction Management Officers maging sa Engineering Department Officers upang makapagsagawa ng pagsusuri.

Batay aniya sa report ng bawat munisipalidad, walang naitalang pinsala sa mga pasilidad at maging sa mga historical places sa Cagayan.

Tanging ang first building at executive building lamang aniya sa bayan ng Baggao ang nakitaan ng mga “hair line cracks” ngunit nilinaw niya na hindi ito maituturing na structural damage at hindi rin life threathening.

Dagdag pa rito, naitala naman ang isang partially damage na bahay sa bayan ng Aparri kung saan ay apat na katao ang apektado habang may 41-anyos na babaeng mula Aparri naman ang nabalian ng kamay matapos matumba sa kasagsagan ng pagyanig at ang isa pang lalaki na nahulog sa ginagawang gusali sa bayan ng Alcala.

Sa ngayon ay tiniyak ni Rapsing na lalo pang tututukan ng PDRRMO, TLFC katuwang ang iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan ang pagkakaroon ng mga simulation exersices kasama ang lahat ng MDRRMO ng iba’t ibang munisipalidad upang mapaghandaan ang mga hakbang sa pagtugon sa panahon ng kalamidad.

Plano rin nila na makipag-ugnayan sa mga national agencies upang magkaroon ng multi hazzard scenario sa mga pagbaha, paglindol at iba pa upang maihanda ang bawat bayan sa pagiging alerto sa panahon ng sakuna.