-- Advertisements --

NAGA CITY – Personal na tinungo ni Bayan Muna Rep. Carlo Izagani Zarate ang burol ng pinaslang nilang dating kasamahan na si Neptali Morada na pinagbabaril-patay nitong nakaraang araw ng Lunes sa lungsod ng Naga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa mambabatas, sinabi nito na nalungkot siya ng malaman ang nangyari ngunit mas nangibabaw umano ang galit na kanyang nararamdaman.

Malaking tanong para kay Zarate ang tila pag-target aniya sa kanilang mga kasamahan na hindi naman armado at ang tanging nais lamang aniya ay mabigyan ng magandang buhay ang bayan at maitaguyod ang pagbabago.

Kaugnay nito, plano ngayon ng lehislador na maghain ng resolusyon sa 18th Congress upang paimbestigahan sa Kamara ang sunod sunod umanong pagpaslang sa mga itinuturing na “human rights workers.”

Dapat na aniyang tingnan ng Kongreso ang nasabing mga pangyayari dahil sa marami na umanong pinapatay na walang kalaban-laban na ayon sa kongresista ay bahagi ng kampanya ng gobyerno.

Kamakailan lamang ng maitala rin ang pagkamatay ng dalawang human rights workers sa lalawigan ng Sorsogon na sinundan ng pagpatay kay Morada na dating Regiona Coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan Bicol.