VIGAN CITY – Tahasang itinuro ng Bayan Muna partylist ang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na utak ng pagpaslang sa dating regional coordinator sa Naga City nitong nakaraan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na bago umano ang pagpaslang kay Neptali Morada sa Zone 4, Barangay San Isidro, Naga City, pinipilit na umano ito ng mga otoridad na sabihin nito kung ano ang kaniyang nalalaman sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army o ‘di kaya naman ay sumuko na lamang dahil sa pinaniniwalaang koneksyon nito sa komunistang grupo.
Ayon kay Zarate, ang nangyari kay Morada at sa dalawa pang human rights workers na pinatay din sa Sorsogon ay resulta umano ng red tagging at sa mga sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong koneksyon sa mga makakaliwang grupo ang ilang mga grupo kagaya ng Bayan Muna.
Kaugnay nito, hiniling ng kongresista na sana ay matigil na ang nangyayaring rebelyon dahil ang kawawa at labis na naapektuhan ay ang mga tao at grupo na wala namang koneksyon sa mga komunista o rebeldeng grupo.