Nanawagan ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para sa patuloy na protesta para isulong ang agarang pag-transmit ng impeachment complaints sa Kongreso laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ng grupo ang panawagan ngayong Sabado, Pebrero 1 sa isang statement kasabay ng nalalapit na pag-adjourn ng Kongreso para sa kampaniya para sa 2025 midterm elections at matapos ang ikinasang kilos protesta kahapon, Enero 31. na nilahukan ng libu-libong Pilipino.
Iginiit din ng grupo na hindi dapat pigilan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang independent Congress mula sa pag-endorso ng impeachment at dapat aniyang mag-pokus sa pagpapagaan ng paghihirap ng mga nagtratrabahong pamilya.
Dapat din aniyang sertipikahan ng Pangulo ang wage hike bill bilang priority measure.
Kaugnay nito, hinimok ng Bayan ang mga miyembro nito para sa pagsasagawa ng vigil sa harapan ng Batasan para isulong ang impeachment ng Bise Presidente.
Maliban dito, umapela din ang grupo para sa mas malaki at mas malawak na protesta sa panahon ng anibersaryo ng EDSA para isulong ang pagbasura sa lahat ng uri ng pork barrel at para kondenahin ang korupsiyon at patuloy na paniniil sa bansa.
Subalit matatandaan na nauna ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga nagdaang panayam sa kaniya na hindi napapanahon ang impeachment at wala din aniya itong benepisyo sa taumbayan.