LA UNION – Maaaring isasailalim na sa kontrol ng Commission on Election (Comelec) ang bayan ng Balaoan, La Union dahil sa mga nangyayari umanong karahasan na may kinalaman sa nalalapit na halalan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Reddy Balarbar, Assistant Director ng Comelec Regional Office Region 1, sinabi nitong sa araw ng Lunes ay posibleng isailalim na sa Comelec control ang naturang bayan matapos ang umano’y pamamaril kagabi na ikinasugat ng kandidato mula sa pagkakonsehal na si Municipal Councilor Rogelio Concepcion at sa apat niyang kasamahan.
Dahil dito, magkakaroon pa ng karagdagang tauhan ng military at pulisya sa Balaoan upang batayan ang halalan.
Ang naturang ahensiya muna ang pansamantalang mangangasiwa sa bayan.
Samantala, kasalukuyang nagsasagawa ng case conference ang pulisya at military hinggil sa insidente kagabi.
Bago ang pamamaril sa naturang kandidato ay pinagbabaril din ng mga hindi pa kilalang suspek ang mga bahay ng kamag-anak at suporter ni incumbent Mayor Alile Concepcion.
Kanya-kanya naman ang batuhan ng mga alegasyon ang magkakalaban sa politika sa nasabing bayan.
Isinisisi umano ng kampo ng mga Concepcion ang mga nangyayaring karahasan sa katunggali at kandidato bilang mayor na si retired Police Brigider General Pedro Obaldo Jr.
Nagsimula umano ang kaguluhan sa Balaoan ng mapatay sa pananambang si Vice-Mayor Al-fred Concepcion na ama ng naturang alkalde.
Mariing itinanggi naman ng retiradong heneral ang mga alegasyon sa kanya na ito umano ang naghahasik ng karahasan sa Balaoan.
Iginiit ni Obaldo na dati ng may mga nangyayaring karahasan sa kanilang lugar at panggigipit sa mga kababayan nito kaya siya sumabak sa halalan upang iahon mula sa masamang imahe ng kanyang bayan.
Ang bayan ng Balaoan ay kasalukuyan nasa ilalim ng category red ng election hot spot dahil sa pananambang sa convoy nina Mayor Alile at ng ama nito na si Vice Mayor Alfred Concepcion.
Nasawi ang vice mayor sa nangyaring pamamaril habang nakaligtas naman sa kapahamakan ang nabanggit na alkalde.