-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Kasabay ng walang humpay na kampanya kontra ipinagbabawal na gamot at mga adbokasiya ng Lokal na pamahalaan ng Datu Montawal Maguindanao ay pinalakas pa nito ang war on drugs.

Bago lang ay nagsagawa ng seminar workshop on Barangay Drug Clearing Program at orientation on Balay Silangan sa bayan ng Datu Montawal sa pangunguna ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) Regional Director Juvinal Azurin, pulisya, militar, LGU, DSWD at ibang ahensya ng gobyerno.

Palalakasin ang ugnayan ng pulisya at mga opisyal ng Barangay sa pamamagitan ng Municipal Anti Drug Abuse Council (MADAC) at Barangay Anti Drug Abuse Council para masiguro na yong mga drug surrenderees ay lubusan nang nagbago.

Umasa naman si RD Azurin na magtuloy tuloy pa ang mga ginagawang inisyatiba ng LGU-Datu Montawal at mga drug surrenderees para makontra ang ipinagbabawal na gamot.

Paalala ni Azurin sa lahat na gustong magbago at titigil na sa paggamit ng droga ay dadalhin sila sa balay silangan.

Sa mga matitigas ang ulo at sangkot sa bintahan ng illegal drugs ay siguradong may kalalagyan sila.

Lubos naman ang kagalakan ni Mayor Datu Otho Montawal sa lahat ng mga nakiisa sa kanilang adbokasiyang tuldukan ang ipinagbabawal na gamot. Pinasalamatan nito ang pulisya at PDEA sa pagmonitor sa sitwasyon ng dating mga nalihis ng landas dahil sa droga.

Hinimok rin nito ang lahat di lamang ang mga taga Datu Montawal kundi ang lahat na suportahan ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo na sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.

Samantala, may panawagan si Mayor Montawal sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kung magawi sa kanilang teretoryo ang mga grupo o indibidwal na sangkot sa bintahan at paggamit ng droga na hulihin.

Kung sakaling manlaban unahan na kasya sila pa ang madisgrasya.

Una ng nagpalabas ng shoot to kill order ang mag-amang Montawal sa mga drug pusher,drug dealer at trafficker.

Tatanggap rin ng gantimpala ang makakahuli patay man o buhay sa mga indibidwal o grupo na positibong sangkot sa illigal drug trade.

Aakuin rin ng Alkalde ang gastusin o siya na ang mananagot sa mga pulis,PDEA at MILF na makakapatay ng mga sangkot sa pinagbabawal na droga.