CENTRAL MINDANAO – Umaabot sa 50 mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group) ang umatake sa Barangay Poblacion, Datu Piang, Maguindanao dakong alas-10:30 kagabi ng Huwebes.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division spokesman Lt. Col. Anhouvic “Dingdong” Atilano, ang mga rebelde ay pinamumunuan nina Kumander Karialan Saga Animbang at Kumander Motorola sa ilalim ng grupo ni Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abo Toraife ng BIFF-ISIS.
Sinasabing walang habas na nagpaputok ang mga terorista na may dala-dalang mga watawat ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Agad na nakasagupa ng mga pulis ang mga rebelde na nagdulot ng labis na takot sa mga sibilyan.
Sinabi naman ni 6th ID chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy na agad na nakapagresponde ang mga sundalo na tumulong sa mga pulis.
Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng putok sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Umatras ang mga terorista nang gumamit na ng mga Semba armored carrier ang tropa ng pamahalaan at dumating pa ang karagdagang puwersa.
Walang nasugatan sa panig ng mga pulis at sundalo habang hindi pa matiyak panig ng BIFF.
Gayunman, sinunog din ng mga rebelde ang police patrol car ng Datu Piang Municipal Police Station bago sila tumakas.
Pinabulaanan naman ni Gen. Uy ang unang kumalat na balita na sinunog ng mga rebelde ang simbahan ng Santa Teresa at Notre Dame of Dulawan School, pero ito anya ay walang katotohanan.
Nais lang daw ng BIFF terror group na magpakitang gilas para makatanggap ng karagdagang tulong sa ISIS na sa kabila nang paghina ng pwersa nito dahil sa dami nilang mga kasamahan ang sumuko na sa mga otoridad.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang pagtugis ng mga pulis at sundalo sa mga armadong BIFF na nagsagawa ng paglusob.