CENTRAL MINDANAO-Bago sumapit ang bagong taon, idineklara ng Kabacan Cotabato Epidemiological Surveillance Unit na zero case na ang bayan sa corona virus disease 2019.
Lubos naman ang pasasalamat ni Kabacan Mayor Herlo P. Guzman, Jr. sa balitang ito. Aniya, magandang balita ito para sa bayan ng Kabacan na kung saan mayroong abot sa 780 cases ang bayan simula noong nakalipas na taon.
Matatandaang Hulyo 2020 unang nakapagtala ang bayan ng kaso ng covid-19 sa katauhan ng isang locally stranded individual o LSI.
Samantala, sa bilang na ito mayroong 44 ang nasawi dahil sa komplikasyong dulot ng covid-19 habang 736 naman ang recovered.
Bagamat zero case na ang bayan sa covid-19, patuloy parin ang panawagan ni Mayor Guzman sa publiko na huwag pakampante lalo’t andyan parin ang banta ng nasabing sakit.
Hiniling rin nito na sana ay hindi na makapagtala pa ang bayan ng panibagong kaso ng covid-19.