BAGUIO CITY – Ipinagmamalaki ng lalawigan ng Benguet ang isang bayan nito na nananatiling coronavirus disease 2019 (COVID-19) free mula pa nang nagsimula ang community quarantine noong Marso.
Napaag-alamang mula sa 13 bayan ng Benguet ay tanging ang bayan ng Kabayan ang hindi pa nakapagtala ng kaso ng naturang sakit sa loob ng limang buwan.
Ayon kay Mayor Faustino Aquisan, resulta ito ng napalawig at mahigpit na pagpapatupad ng mga otoridad sa mga quarantine protocols kasabay ng koordinasyon ng mga residente sa naturang bayan.
Aniya, mula pa noong Pebrero ay hindi na sila nagpapapasok ng mga turista sa buong bayan partikular ang sikat na Mt. Pulag National Park.
Maaalalang base sa datos ng Benguet Provincial Health Office, 65 percent mula sa kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan ng Benguet ay mga locally stranded inividuals (LSIs), mga pulis, returning residents at resulta ng contract tracing ng mga otoridad.
Sa ngayon ay pumalo na sa kabuuang 190 ang kaso ng COVID-19 sa buong lalawigan habang 31 ang mga aktibong kaso at 158 ang recoveries.
Nananatili namang isa ang namatay dahil sa COVID-19.