BAGUIO CITY – Inihayag ni Mayor Manny Fermin ng Kapangan, Benguet na walang anumang insidente na nangyari sa kanilang bayan sa pananalasa ng Bagyong Falcon.
Gayunpaman, sinabi niya na nagpapatuloy ang kanilang monitoring sa kalagayan ng mga kalsada doon lalo na’t patuloy na nararanasan ang ulan sa lokalidad.
Ipinayo din ng alkalde ang pag-iingat ng mga residenteng nakatira sa malapit sa Amburayan River dahil posibleng tataas ang lebel ng tubig na resulta ng nararanasang monsoon rains.
Kasabay nito ay binabalaan ni Fermin ang mga residenteng mananamantalang magtapon ng basura sa ilog ngayong tag-ulan lalo na kapag walang nakakakita sa mga ito.
Umapela rin ito sa mga magulang na ihatid at sunduin nila ang kanilang mga nag-aaral na anak para sa kanilang kaligtasan.